Doc Willie Ong at Imee Marcos sa Usaping Pangkalusugan

“No Medical Assistance,” yan ang nakakapagpabagabag na umano’y nasa pintuan ng ibang mga mambabatas ayon kay Senadora Imee Marcos. Kung may makuha mang tulong, ito ay aabot lang ng tatlong libong peso (Php 3,000.00) ayon naman kay Doc Willie Ong.

nakangiting larawan nila Doc Willie Ong, Doc Liza Ong, at Sen Imee Marcos
Larawan nila Doc Willie Ong, Doc Liza Ong, at Sen. Imee Marcos.

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (dating NSO), tinatayang mahigit anim na libo (6,000+) ang nagasto ng bawat isang Pilipino noong 2017 para sa kalusugan. Busisihin natin ang tungkol dito at iba pang mga usaping pangkalusugan na tinalakay nila Doc Willie Ong at Imee Marcos. (Mapapanood ang kabuoang video sa ibabang bahagi ng artikulong ito.)

Glukoma at Eye Referral Center (ERC)

Ayon sa TheFilipinoDoctor.com, ang ERC ay isang kawanggawa na pag-aari ng Glaucoma Research Foundation na natayo noong 1980 (panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos) bilang kauna-unahang pasilidad ng medikal na ambulatory. Palihim na tumutulong ang pamilya Marcos (at hindi na ito lihim ngayon pagkatapos ng panayam na ito) sa adbokasiyang matulungan ang mga pasyenteng may glukoma na ayon sa kanya ay sakit din nila sa kanyang mother side. Mahal, ayon kay Doc Willie Ong, ang pagpapagamot sa ganitong karamdaman. At sa kwento ni Ginang Marcos, ang mata umano ang pinakamasakit para kay Manny Pacquiao na tumanggap ng mga suntok sa natalong Amerikanong boksengero na si Keith Thurman sa nakaraang laban nila noong Hulyo 20, 2019.

Heart Patients, Philippine Heart Center (PHC), at Heart Warriors

Gaya mismo sa nasa pangalan, ang PHC ay isang sentro para sa mga may sakit sa puso na naitayo sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 673 ni Pangulong Marcos noong 1975. Ito ang ginawang halimbawa ni Doc Willie upang imungkahi na muling bigyan ng pagkakataon na mapansin ang pangangailangan ng mga pasyenteng may karamdaman sa puso. Idinaing ng butihing doktor ang Heart Warriors na binubuo ng tinatayang limang libong (5,000) mga bata na may butas sa puso. Hinihingan ang bawat isa ng 200 hanggang 250 libo bago tapatan ng PhilHealth ng kaparehas na halaga. Hindi ito kaya ng mga mahihirap nating mamamayan kaya pagsusumikapan ni Sen. Imee Marcos na hanapan ito ng budget upang kahit papano’y matulungan ang mga bata at iba pang may karamdaman sa puso.

Ayon sa isang ulat, isa sa tatlong tao sa buong mundo ang pwedeng masawi dahil sa sakit sa puso. Sa Pilipinas, nangunguna rin sa listahan ng DOH ang problema sa puso bilang isa sa mga dahilan ng pagkasawi ng mga kababayang Pilipino. Bilang isang dalubhasa, iminungkahi ni Doc Willie kay Sen. Marcos na tutukan ang mga may karamdaman sa puso.

Dialysis Patients

Mula pa noong 1970s, na nabanggit ni Ginang Marcos, ay kasama na ang kidney problem sa Pilipinas kasabay sa mga isyu sa puso at baga. Nakwento rin ng butihing senadora ang tungkol sa pagda-dialysis ng dating Pangulong Marcos na dalawang beses nabigo sa kidney transplant. Dahil dito, nagpri-free dialysis ang pamilya Marcos sa Ilocos tuwing ika-labing isa ng Setyembre (September 11) na gustong palawigin ng senadora sa buong bansa gaya ng mga ospital sa Cebu at Davao. Gusto rin tumulong ni Doc Willie Ong sa programa sa kung ano mang paraan na maaabot ng kanyang kakayanan.

Nangunguna ang hemodialysis procedure sa top 10 na kasong naitala ng PhilHealth noong 2017. Kasalukuyan namang hinaharap ng ahensiya ang alegasyon sa milyon-milyung nawawalang pera sa dialysis. Para sa karagdagang impormasyon sa kalagayan ng dialysis sa bansa, maaari lang na bisitahin ang website ng National Kidney and Transplant Institute o makialam sa mga usapin tungkol dito kasama ng mga pasyente na nasa Facebook Group na Dialysis PH.

tala ng PhilHealth tungkol sa mga health procedure na kung saan top 1 ang kaso ng dialysis
Top 1 ang kaso ng dialysis procedure ayon sa tala ng PhilHealth.
Medical Assistance

Dinadaing nga ng mga mamamayan natin ang mahal na gamot kaya sila humihingi ng tulong sa mga pampubliko at pampribadong grupo. Tinuran ni Ginang Marcos na wala pang budget o hindi sapat ang medical assistance para sa mga kababayan natin na nangangailangan. Datapuwa’t, nabigyang solusyon ng senadora ang problema sa pamamagitan ng paghikayat sa mga paalis na senador na ibigay ang natira nilang budget para itulong sa mga pasyente. Nakita rin niya na pwedeng tanggalan ng VAT ang mga may kaso ng diabetes at maging ang presyo ng ibang gamot. Karagdagan pa nito ay ang mga unspent (hindi nagamit) na budget na pwedeng idagdag sa gastusin sa gamot. Handang magtulungan sina Doc Willie Ong at Imee Marcos para sa pangangailangang medikal sa bansa.

Universal Health Care (UHC)

Kung magiging matagumpay, ang Universal Health Care ang magiging pinakamagandang tugon sa pangangailangang medikal ng mga kababayan natin. Ang batas ay nilagdaan ng pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 20, 2019. Kasama sa batas na ito ay ang pagbibigay ng libreng konsultasyon at laboratory test. Bagaman maganda ang batas na ito, ayaw ipangako ni Sen. Marcos na magiging madali ang lahat dahil nga sa kakulangan ng budget para rito.

Gusto nating bigyang pansin na hindi kalusugan ang pangunahing plataporma ni Ginang Marcos. Gayon pa man, handa siyang tumulong sa mga usaping pangkalusugan lalo na sa pangangailangang pinansiyal ng mga pasyente. Nabanggit din niya na dapat hindi pinupulitika ang kalusugan dahil ito ay para sa mga tao.

Ayon kay Sen. Imee Marcos, mahalaga na mangibabaw ang totoong pakay para sa kapakanan ng bayan. Kasama sa layuning ito ay ang pagpapababa ng kahirapan sa bansa at pagbibigay siguridad sa kalusugan ng mamamayang Pilipino. Ang mga programang pangkalusugan na ito ay malakas na sinusuportahan ni Doc Willie Ong kaya ito ang naging pangunahin niyang plataporma sa #Halalan2019.

(Ang kabuoang panayam ni Doc Willie Ong kay Sen. Imee Marcos ay mapapanood sa ibaba. Kasama rin si Doc Liza Ong, butihing maybahay ni Doc Willie, sa video.)

JP Abecilla

JP is a freelance writer and a full-time copy editor. Millennial writers like him want to explore content marketing strategies, writing skills, inspirational motivations, social media networks, online businesses, and virtual careers. More than writing, he loves coffee and donuts.

Leave a Reply