Doc Willie Ong Tinodo ang Pagtulong sa Panahon ng Pandemya

Tinodo ng tinaguriang #DoktorNgBayan na si Doc Willie Ong ang pagtulong sa mga kababayan nating Pilipino sa panahon ng krisis na dulot ng COVID-19. Dalawampu’t pitong taon nang nagbibigay serbisyo publiko si Doc Willie at ang kanyang doktor din na maybahay na si Doc Liza Ramoso-Ong. Ngayong pandemya, mas tumindi at lumawak ang kanilang pagkakawang-gawa.

Related Blog: Bakit Kailangan Natin ng Doktor Sa Senado?

Kaban-kabang Bigas at iba pang mga Relief Good

Simula nong nag-lockdown ang mga syudad at lalawigan sa bansa noong 2020, kaliwa’t kanan ang mga pribado at panggobyernong sektor sa pagbibigay ng mga relief good at ayuda para sa mga nawalan ng trabaho at mahihirap nating kababayan. Kasama sina Doc Willie at Doc Liza sa mga nagkusang mamigay ng kaban-kabang bigas at pang-araw-araw na konsumo sa bawat pamilyang kanilang naabot.

Libreng Check-Up, Bitamina, Gamot, at Pang-grocery

Sa loob ng halos tatlong dekada ng pagkakawang-gawa, walang humpay na namimigay si Doc Willie ng libreng konsulta sa mga may karamdaman. Ngayong pandemya, ginamit niya ang kanyang online platform para maghandog ng libreng check-up. Kasabay nito ay ang kanilang patuloy na paghahatid ng mga libreng gamot at bitamina sa mga tahanang naaabot nila sa ka-Maynilaan at sa mga karatig lugar nito.

Maliban sa mga gamot at relief good, may mga nabiyayaan din ng pang-grocery na tila pang-sari-sari store sa dami.

Gadget, Gaya ng Tablet at Cellphone

Dahil sa lockdown, maraming mga empleyado ang nagtatrabaho na sa kanikanilang mga tahanan. At hindi lang ‘yon, ang mga mag-aaral ay nag-online class na rin. Subalit, maraming mga kababayan natin ang walang sariling gadget para maipagpatuloy ang trabaho at pag-aaral. Sa kabutihang loob ng mag-asawang Ong, bumili sila ng mga tablet at cellphone para maipamigay sa mga nangangailangang estudyante at mga magulang na nagtatrabaho o nagnenegosyo online.

Tips at Updates Tungkol sa COVID-19

Bilang isang bihasa sa cardiology at internal medicine, ginamit ni Doc Willie ang kanyang YouTube Channel at Facebook Page para makapagbigay ng libreng payo at kaalaman tungkol sa coronavirus disease of 2019 o COVID-19. Binahagi niya ang pagkakaiba ng mga simtomas ng pangkaraniwang ubo, sipon, lagnat, at coronavirus.

“Kulang ang Pera. Sakit sa Bulsa.”

Sa nakaraang halalan noong 2019, tinanong ni Alvin Elchico sa #Harapan2019 ng ABS-CBN kung “Ano ang pinakamalalang sakit sa lipunan na dapat unahing gamutin ng mga senador.” At ang sagot ni Doc Willie Ong ay “Kulang ang pera. Sakit sa bulsa.”

Sa tindi ng dagok ng pandemya, mas lalong napatunayan na kulang nga sa pundong pinansyal ang karamihan sa pamilyang Pilipino. Maging ang ayudang galing sa DSWD ay naging isyu sa mga nasa middle class dahil ito’y ibinigay lang sa mga “poorest of the poor.”

Ayon sa huling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2018, ang mga naghihirap na Pilipino ay umaabot sa 17.7 milyon habang ang mga low income ay nasa 40.7 milyon. Ang lower-middle-income ay umabot sa 31 milyon; ito ay ang kumikita ng hindi bababa sa 23 thousand sa isang buwan para sa limang membro ng pamilya.

Maliban sa ayuda ng gobyerno, ang mga naglalakihang pangalan sa iba’t-ibang negosyo at industriya ay namigay na rin ng milyun-milyong mga donasyon para tulungan ang mamamayan, kabilang na ang mga doktor, nars, at iba pang mga nasa larangan ng pangkalusugan.

Si Doc Willie Ong at Doc Liza Ramoso-Ong ay dalawa sa mga taong tinodo ang pag-abot ng tulong sa kapwa nila mga manggagamot at maging sa mga kababayan nating naghihirap. Mula sa kasagsagan ng krisis noong isang taon na dulot ng pandemya at hanggang ngayon, tumulong sila at patuloy na tumutulong sa abot ng kanilang makakaya upang ibangon ang buhay at kabuhayan ng mamamayang Pilipino.

Follow JP Abecilla – The Millennial Writer on Facebook, Twitter, and Instagram or subscribe to his YouTube channel for more updates.

WordPress.com

JP Abecilla

JP Abecilla is a lifestyle Filipino blogger, freelance content writer, copy editor, and motivational speaker based in Cebu City, Philippines. He was awarded Blog of the Year 2020 (2nd Place) and Best Cebu Events Blog of 2019. More than writing, JP loves drinking a cup of coffee and eating donuts while reading a book or magazine.

Leave a Reply