Paano Intindihin ang Post sa Social Media

Iniintindi mo ba ang post sa Facebook o Twitter bago ka mag-react o mag-comment? Naunawaan mo nga ba ang argumento o nagkukunwari ka lang na nauwaan mo? Basta-basta ka nalang ba nagbibigay ng sarili mong komento at walang pakialam sa post? Binibigyan mo ba ng pansin ang mga salitang ginamit? Bibigyan natin ng kasagutan ang mga katanungang ito bilang paraan ng pag-aaral kung paano intindihin ang isang post.

Noong Agosto 21, 2020, araw ng pag-alala sa pagkasawi ni Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., nag-trending ang isang post sa Facebook Page ni JP Abecilla – The Millennial Writer. Napuno ang post ng mga komento galing sa mga supporter ng mga Aquino, Marcos, at Duterte. Sa ngayon, inabot na nito ang mahigit isang milyong netizen dahil sa mahigit na sampong (10) libong share na may kabuoang apat na pu’t limang (45) libong reaction. Sa Twitter naman, inabot ito sa 2,963 impression at 708 total engagement.

Ang caption ng post ay “We should correct where we put our loyalty.” May apat na pagpipilian sa kasama nitong larawan: Aquino, Marcos, Duterte, at Pilipinas. Sa kasalukuyan, meron na itong 1,646 comments. Ang tanong: Naintindihan ba ito ng mga nag-comment?

Ang post na nasa itaas ang gagamitin nating halimbawa kung paano intindihin ang isang social media post.

Unawain ang Post Bago Mag-Comment

Bago mag-comment o mag-react, intindihin mo muna kung ano ang ibig sabihin nong post. Paano mo yun gagawin? Una, alamin mo anong isyu ang pinag-uusapan at saang konteksto ito kabilang. Pangalawa, intindihin mo ano ang naging konklusyon ng nag-post tungkol sa usapan. At pangatlo, bigyan mo ng pansin ang mga salitang binitawan.

I-apply natin yung tatlong punto. Una, ano ba ang isyu sa post tungkol sa “We should correct where we put our loyalty”? Ang isyu ay masasagot sa pamamagitan ng pagtatanong. Ang tanong ay ito: Meron bang mali sa kung kanino natin ibinibigay ang ating loyalty? Pangalawa, ang naging konklusyon ng nag-post ay: Oo, may mali and “We should correct where we put our loyalty.” Pangatlo, pagkatapos mong malaman ang isyu at konklusyon ng nag-post ay dapat mo munang bigyang pansin ang mga salitang kanyang ginamit. Sa pagkakataong ito, ano ba ibig sabihin ng salitang “loyalty”? Mali ba na ibigay ang “loyalty” sa isang politiko? Ang pagboto ba sa politiko ay isang uri ng “loyalty”?

May mga nagkomento sa post na dapat daw “Pilipinas” na ang iboto sa susunod na eleksyon. At ang sarcastic na tanong nila ay “Paano iboboto ang Pilipinas”? Ito ay pagpapakita na hindi nga naintindihan ang post. Hindi ginamit ang tatlong punto na binigay natin sa taas. Ang nagkomento ay nagkamali sa pag-intindi sa salitang “loyalty” o maaaring ang pag-intindi nila sa mga ekis at sa isang korek na marka sa larawan ay nagpapahiwatig ng pagboto sa “Pilipinas” imbes na sa politiko.

Sa isang hiwalay na post, pinaliwanag ni JP Abecilla ang pagkakaiba ng pagboto at pagbibigay ng loyalty sa isang politiko. Idiniin din niya na magkaiba ang loyalty sa isang politiko at loyalty sa bansa.

Ang Facebook post ng kabuoang paliwanag ay makikita sa huling bahagi ng blog article na ito.

Magtanong: Huwag Magkunwaring Naunawaan ang Post

Yan ang isa sa napakalaking problema ng mga troll at iba pang mga social media user. Nagkukunwari sila na naintindihan nila ang post at excited na excited mag-comment kahit iba ang pagkaintindi nila. Ang iba naman, pakunwaring mas matalino at sasabihing illogical ang post pero hindi naman halata sa kanilang comment na naintindihan nga nila ang post, mas nagmuka pa nga silang walang pang-unawa. Huwag magkunwari na naintindihan mo na “we should correct” something. Huwag magkunwari na naintindihan mo ang “loyalty.” Huwag magkunwari na naintindihan mo ang mga markang ekis at korek.

So, ano ang dapat mong gawin? Simple lang, maliban sa mga puntong binigay natin sa taas, dapat ka ring magtanong anong ibig sabihin ng nag-post sa kanyang binanggit. Huwag agad-agad gumawa ng sariling konklusyon para hindi ka mapahiya o para hindi masira ang usapan. Ang pagtatanong ay simbolo ng pagiging marunong, yun ay kung tama rin ang paraan ng pagtatanong. Huwag mahiyang magtanong (kung may RiteMed ba nito). LOL

Makialam: Pero Respetuhin ang Post at Nag-Post

Hindi ibig sabihin na hindi mo naintindihan ang post ay mas magaling ka na o illogical na ang post o mali na ito. Kung hindi mo naintindihan, hindi mo sinubukang intindihin, at hindi ka nagtanong, diyan na papasok ang pagbibigay ng komento na walang pakialam o respeto sa post. Dito nawawalan ng saysay ang mga usapin sa social media, dahil basta-basta nalang nagbibigay ng haka-haka ang bawat isa. Bilang paggalang sa sarili mo at sa nag-post, dapat intindihin ang kanyang punto; huwag magmadaling manghusga. Pag naintindihan mo na ang post, doon ka na magbigay ng komento o katanungan. Pag nakita mo na magkaiba ang iyong pang-unawa sa pang-unawa ng nag-post, maghanap ka ng paraan na magtagpo ang pang-unawa niyo. Pag may pagkakaunawaan na sa kung anong ibig sabihin nong post at nakita mong taliwas ito sa paniniwala mo, doon na papasok yung sinasabi nating “agree to disagree.” Hindi naman talaga dapat sumang-ayon tayo sa lahat ng ating nababasa, naririnig, o napapanood. Dapat suriin natin ang mga bagay-bagay.

Sabi nga ni Kuya Kim, dapat maging mapanuri at maging mapagmatyag. Tulungan natin ang ating mga sarili na maging independent. Huwag dumepende sa opinyon ng iba. Huwag sabay ng sabay sa agos. Huwag dumepende sa dami ng supporter sa kabila. Dapat matuto tayong tumayo sa sarili nating paa sa pamamagitan ng pagkakaroon natin ng sariling opinyon o kaisipan. Huwag pulot ng pulot ng mga meme. Dapat mo munang suriin, intindihin, at saliksikin bago mo yakapin ang opinyon ng iba at ibilang ito sa iyong mga pinaniniwalaan.

Higit sa lahat, dapat matuto tayo na maging bukas sa kaisipan ng iba taliwas man ito sa ating paniniwala. Hindi dahil Dilawan ka, agad-agad mo nang isasara ang pandinig mo sa mga DDS. Hindi rin ibig sabihin na DDS ka ay di ka narin makikinig sa mga kritiko at tatawagin mo na lahat ng hindi sang-ayon sayo na Dilawan. Hindi lang naman mga Dilawan at DDS ang nabubuhay sa mundong ito. Dapat maging bukas tayo sa opinyon at paniniwala ng mga hindi natin kauri o kapanalig para maging mas marunong ka at maging mas mahusay ang mga usapin sa social media.

(Mababasa sa social media post sa ibaba ang kabuoang paliwanag tungkol sa pagpili sa Pilipinas na kung saan dapat natin ibigay ang ating loyalty at hindi sa mga politiko.)

Follow JP Abecilla – The Millennial Writer on Facebook, Twitter, and Instagram or subscribe to his YouTube channel for more updates.

WordPress.com

JP Abecilla

JP is a freelance content writer and lifestyle blogger with a strong background in website content writing and SEO copy editing. The Millennial Writer's website has been awarded Best Cebu Events Blog of 2019. More than writing, JP loves drinking a cup of coffee and eating donuts while reading a book or a magazine.

Leave a Reply